10.02.2004

banyo - haay!

nagpapagawa ako ng banyo ngayon.

para kako pagka nanganak na si misis e hindi na mahirapang mag-panhik-panaog para lang dyuminggel o umuu. kaso, hayup sa estimate yung karpintero. beinte mil daw. naubos yung beinte mil sa unang isa't kalahating linggo. ngayon mag-aapat na linggo na kami, hehehe. papalapit na rin sa singkuwenta mil. hokey, ang saya-saya!

kunsabagay, sinama na rin kasi ang bagong komedor. pinalagyan ko rin ng bagong service door sa likod, paakyat ng bubong at mga sampayan. at mga cabinets sa ilalim ng lababo at itaas ng kalan.at parang bar na counter top para magsilbing kainan na rin ng miryenda (pero pwede rin sa altanghap!).

nakakatuwa rin naman. siyempre, nakabubusog ng puso ang pakiramdam na ang lahat ng mga pinaghihirapan ko'y may kongkreto nang kinahinatnan. masaya rin naman.

pero angsakit nga sa ulo. araw-araw na nagtatanong ako sa karpintero kung ayos pa ba ang mga materyales, kung wala bang kulang, kung magdadagdag pa ba ng hollow blocks at tubo at bisagra, kung nakapagmiryenda ba sila, at higit sa lahat, kung ano ang gagawin nila sa kinabukasan. inaasam-asam ko yung araw na tipong, "wala na hong kulang. bukas magpipintura na lang kami."

naalala ko tuloy yung isang kuwento ni tony perez tungkol sa mga multo. may mag-asawang kapwa successful na, pero wala silang anak. successful sila at kapwa din artistic kaya ang nangyayari, nagagawa nilang ipaayos ang bahay nila sa kahit na paanong theme. laging maganda, laging mainam. lagi silang patibag nang patibag at paayos nang paayos ng mga pader at abubot at kasangkapan sa bahay. hanggang isang araw, bigla na lang nagsalita yung dalawang antigong tumba-tumba. boses-lolo yung isa, at boses-lola naman yung kabila. ilokano, sa wika ng mga ninuno nung bidang lalaki. nanahimik din naman bigla matapos ang isang araw lamang, at bumalik ang lahat sa dati. tahimik sa bahay. nang bumalik ang transalation, wala naman palang ibig sabihin ang mga pangungusap ng mga multo. puro paglilista lamang ng mga kailangang ipagawa at ipaayos sa isang sirang bahay. ganun lang.

pero nanindig balahibo ko. tapos nalungkot. yung isang linya kasi, tipong "ang impyerno ng pagsasaayos ng bahay, ang impyerno ng pagsaasayos ng buhay." yun ang natandaan ko.

ngayon kasi, oo nga, nakakapraning nga pala ito. nakakarindi rin pala ang unti-unti at araw-araw na pag-aalala.

1 Comments:

At 10:45 PM, Blogger nikka said...

oo. kung puwede lang sanang hindi na mag-alala..

 

Post a Comment

<< Home