pag ang luha natuyo, muta!
pag tinatanong ako tungkol sa kabuluhan ng tinuturo kong literatura sa mga estudyante kong hindi naman magiging mga manunulat, lagi kong sinasagot sila, pag walang literatura, ang boring siguro ng mundo.palagay ko, lahat ng gustong maging guro ng literatura ay nakapanood ng dead poets society. andun si robin williams, ang gurong walang pakundangan. pinunit niya ang buong preface ng textbook ng kanyang school tungkol sa literatura, yung bahaging sinulat daw ng isang PhD, tungkol sa kakayahan ng literatura na masukat sa x- at y- axes. galit na galit siya dun. "Tear it off, I say to you, tear it off!" or words to that effect. ang buong klase ay naging isang klase ng pagpupunit at pagbubuslo ng punit na mga pahina sa basurahan.
hindi ko makakalimutan ang kanyang sinabi. parang ganito: kung nais ninyong maging mga abugado, negosyante, nawa'y maging mahuhusay kayong mga ganito. oo nga, lalo na siguro para sa isang bansang kagaya natin. kailangan natin ng mga alagad ng agham at produksiyon at teknolohiya upang umangat ang kabuhayan natin. magkaroon ng industriya siguro. maging mahusay nawa kayo.
ngunit bagaman mahuhusay kayong negosyante at abugado at doktor at inhinyero at siyentipiko, hindi kayo nabubuhay para rito. nasa literatura lamang ang mga bagay na siyang dahilan ng ating ikinabubuhay, hindi lamang ng ating kabuhayan.tulad ng love, ng meaning o kawalan nito, tulad ng pagkaimbyerna. inbyerna sa trabaho, pero sa literatura, sining ito.
ngunit kung tanggap na ngang kailangan ng literatura, ang susunod na tanong ay oo, ngunit literatura sa anong wika?
dahil litfil ako, at kaisa-isang litfil sa ateneo ng batch namin, ang pusta ko siyempre pa ay sa wikang katutubo. para sa akin, may nawawala sa imahinasyon kapag puro great books ang binabasa.
nakakatawang isipin, great books of civilization pero puro Greeks, Romans, at Europeans (and by extension, Americans) ang laman ng kurso nina Fr. Galdon noon. buti medyo nagpapapasok na sila ngayon ng Asians, Afro, at LatAms. pero great books? ewan. bawat lahi siguro ay may sariling naratibo na kailangang matutuhan niya at maisapuso. kung hindi (o kung walang itinuturo) mamaliitin niya ang kanyang sarili. kakawawain lang niya. lagi niyang susukatin ang kanyang produksiyon sa produksiyon ng ibang lahi. at isa itong siklong paulit-ulit at self-defeating. dahil ang panukat niya ay galing sa iba, natural na hindi "aabot" sa pamantayan ang kanyang gawa. kaya lalo siyang maaawa sa kaniyang sarili. paulit-ulit na tungkag na proseso.
pero kung susuriin ang sarili, napakayaman ng imahinasyon ng ating mga likha, at sinasabi ko iyan hindi bilang guro ng isang asignaturang nagpapakaimportante lamang. sinasabi ko iyan bilang isang estudyante rin.
naalala ko lang yung sa alamat ng pinya. mga mata daw yun ng batang ayaw maghanap at sumunod sa magulang. naisip ko lang, pwede rin kayang isipin kung gayon na ang pagbabalat ng pinya ay isang uri ng pagbubulag? ["a harvest of (blue) eyes" -- sa isang kuwento ni octavio paz] nasa pinya kaya si medusa, ang titig na nanunuklaw? mas magaling kaya tayo sa mga Griyego dahil ang representasyon ng "super-mata" sa kanila ay halimaw samantalang ang sa atin ay pagkain, masarap na pagkain?
o yung isang bugtong tungkol sa mata na paborito ko: isang dagat-dagatan, nababakod ng danglay. imagine that! ang mata bilang dagat! pwede kaya akong maglakbay sa ibabaw ng iyong balintataw? o malunod kaya sa iyong mga titig? mamingwit ng mga alaala sa "pungay ng iyong mga mata"? ang iyong muta bilang panis na perlas?
maraming- marami pa. lalo na siguro yung mga galing sa mga katutubong tribo pa. yung aborihinal talaga, sa tunay na kahulugan ng salitang aborihinal: walang simula, walang orihen.
haay! pag nakakarinig ako ng nagsasabing the more you read, the more you feel like there is a lot more that needs to be read, naiisip ko, oo nga. lalo na sa pilipinas, kung saan ang mga dapat basahin ay nakabaon pa sa limot at deadma. kailangan pang alalahanin.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home