nanaginip ako
ng lumilipad na mga aso.kahit kailan hindi ko naunawaan ang kahulugan ng guhit sa palad ko, kahit pa nag aral ako ng palmistry. siguro parang yung mga doktor na hindi kayang pakiramdaman ang sariling mga nararamdaman.
maulan nitong mga nakaraang araw. naalala ko lamang na sa baguio, napakalamig din ng mga patak ng ulan. parang galing sa ref.
ipinandidilig namin sa maseselang mga halaman ang tubig na galing sa ref. katulad ng ubas. minsa'y nagdala ng buto ng ubas ang tatay ko galing sa saudi at itinanim namin sa garden. tumubo iyon saglit. nagkausbong at nagkaroon ng ilang mga dahon. ngunit hindi ito namunga. matapos ang ilang linggo, kusa na ring natuyo. pinalitan namin ng ampalaya at upo.
namatay ang aso namin isang araw dahil sa katandaan. walang ingay na kamatayan. gumuhit sa aspalto ang kanyang laway.
gumuhit sa pisngi ng kapatid ko ang luha ng pagluluksa. habang hinuhukay namin ang mababaw na libingan, umaalimpuyo sa aking isipan kung paano natagpuan ko isang madaling araw ang tutang ito sa aming gate, pinadpad ng kanyang kawalan ng memorya kung saan talaga siya nakatira. kinupkop ko siya at pinahupa ang kanyang pag-iyak. anim na taon din namin siyang naging aso.
iyon ang huli kong kabutihang asal.
ngayon, isa na akong demonyong sinusurot sa panaginip ng mga asong lumilipad.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home